Nasa 1,174 na pamilya o 6,455 na mga indibidwal ang nagsilikas dahil sa bakbakan na naganap nitong Sabado sa Maimbung, Sulu sa pagitan ng armadong grupo ni dating Vice Mayor Pando Adiong Mudjasan at mga tropa ng Philippine National Police (PNP) at Armed Force of the Philippines (AFP) na nagtangkang magsibli ng arrest at search warrant laban sa naturang opisyal.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Police Brig. Gen. Red Maranan, ang mga apektado ay mula sa Brgy., Bualo Lipid kung saan naganap ang bakbakan at mga katabing barangay ng Laum Maimbung at Barangay Poblacion.
Aniya ang mga apektadong residente ay inilikas ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) sa tatlong evacuation centers sa Matatal Covered Court, Matatal Elementary School at Mawaji Elementary School.
Kasunod nito, pinayuhan ni Maranan ang mga bakwit na wag munang bumalik dahil sa possibilidad na magkaroon ng panibagong bakbakan sa patuloy na pagtugis ng PNP at AFP sa grupo ni Mudjasan.