
Umabot sa 1,252 indibidwal o katumbas ng 390 na pamilya ang inilikas sa mga bahaing lugar sa Quezon City (QC) dulot ng tuloy-tuloy na pag-ulan na dulot ng habagat at Bagyong Crising kahapon.
Ang mga inilikas na residente ay dinala sa sampu na evacuation center sa sampung barangay sa District 1, 2, 4 at 5.
Pinakamarami ang pamilyang namamalagi sa evacuation centers sa Barangay Bagong Silangan at Barangay Manresa.
Kabilang sa mga barangay na may namamalaging evacuees ay ang Barangay Roxas, Sta. Cruz, Doña Imelda, Bagong Buhay, Quirino 2A, Culiat at Project 6.
Agad ding namahagi ng relief goods at hot meals ang pamahalaang lungsod sa mga apektadong pamilya.
Nakaantabay rin ang QC Health Department at ang mga kawani ng barangay na tutugon sa pangangailangang medikal ng mga lumikas na residente.
Pinayuhan naman ang iba pang residente na agad tumawag sa helpline 122 para sa emergency.









