Malacañang, hinikayat ang mga ahensiya ng gobyerno at lokal na pamahalaan na suportahan ang isang buwang panahon ng pagbabakuna ng DOH laban sa tigdas, rubella at polio

Hinimok ng Malacañang ang lahat ng government agencies at lokal na pamahalaan na suportahan at makisali sa programa ng Department of Health (DOH) laban sa pagkalat ng iba’t ibang sakit lalo na sa mga bata.

Nakapaloob ito sa inilabas na Memorandum Circular No. 20 ng palasyo kamakailan.

Batay sa Memorandum Circular No. 20, binibigyang diin ang pagsasagawa ng DOH ng Measles-rubella at bivalent oral polio vaccine supplemental immunization activity sa loob ng isang buwan.


Ito ay mula noong May 1 hanggang May 31 ngayong taon.

Nakasaad pa sa memo na layunin ng programang ito ng gobyerno na maiwasan ang napipintong outbreak ng tigdas at mapanatili ang pagiging polio free status ng Pilipinas.

Hinimok naman ng palasyo ang lahat ng ahensiya ng gobyerno, kasama na ang government owned and controlled corporations, government financial institutions, state colleges and universities at mga lokal na pamahalaan na suportahan ang nasabing aktibidad.

Ang Memorandum Circular ay pirmado ni Executive Secretary Lucas Bersa na may petsang May 9, 2023.

Facebook Comments