Nananatiling tahimik ang Palasyo ng Malacañang sa mga bagong patutsada ni dating Pangulong Rodrigo Duterte laban kay Pangulong Bongbong Marcos.
Matatandaang Martes ng gabi nang sabihin ni Duterte na may prescription ng doctor ang paggamit niya ng fentanyl habang ang cocaine ay wala.
Hinamon pa nito sa Pangulong Marcos na sabay silang magpa drug test para malaman kung sino sa kanila ang gumagamit ng ilegal na droga.
Gayunpaman, sa kabila ng maiinit na salita ng dating pangulo ay tikom pa rin ang bibig ng Malacañang.
Kahapon, ay dumating ang pangulo sa bansa mula sa dalawang araw na state visit nito sa Vietnam at sa buong maghapon hanggang sa mga oras na ito ay hindi nagparamdam ang pangulo.
Maging ang mga opisyal ng Presidential Communications Office (PCO) ay wala pang ipinararating na reaksyon hinggil sa isyu.