Malaysian Prime Minister Anwar Ibrahim, nasa Malacañang na

Alas-4:00 ngayong hapon nang dumating sa Malacañang si Malaysian Prime Minister Anwar Ibrahim na sinalubong ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., at mga miyembro ng gabinete.

Inilatag ang red carpet para kay Prime Minister Ibrahim sa Malacañang Palace grounds kung saan din isinagawa ang arrival honors sa kanya ng Palasyo.

Ipinakilala ni Pangulong Marcos ang mga miyembro ng kaniyang gabinete kay Prime Minister Ibrahim na isa-isa naman nitong kinamayan.


Ipinakilala rin ni Prime Minister Ibrahim kay Pangulong Marcos ang mga kasama niyang miyembro ng gabinete.

Kasunod nito ay dumiretso na ang dalawang lider sa loob ng Palasyo kasama ang kanilang gabinete.

Si Prime Minister Ibrahim ay lumagda na rin sa guest book sa loob ng Palasyo.

Nakatakda rin ngayon ang bilateral meeting sa pagitan ng dalawang leader kung saan posible nilang talakayin ang areas of mutual concern sa larangan ng politika, seguridad, pagtutulungan para sa ekonomiya at ugnayan ng mamamayan.

Inaasahan din ang palitan nila ng pananaw ukol sa iba’t ibang regional and international issues.

Si Prime Minister Anwar Ibrahim ay ang unang Head of Government ng ibang bansa na bumisita sa Pilipinas sa ilalim ng Marcos Jr., administration.

Facebook Comments