Kailangan pa rin manatili muna ang NCR plus Bubble sa General Community Quarantine (GCQ) with heightened restrictions ngayong buwan ng Hunyo.
Ito ay panawagan ni dating adviser ng National Task Force (NTF) against COVID-19 Dr. Anthony “Tony” Leachon dahil patuloy pa rin ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa iba’t-ibang lugar sa bansa.
Aniya, ang mas magandang gawin ng pamahalaan ay palakasin pa ang vaccination rollout ng bansa at magkaroon ng malawakang pagbabakuna para tuluyang mapababa ang mga kaso ng virus sa bansa.
Una nang sinabi ni Department of Health (DOH) Sec. Francisco Duque III na hindi pa pwedeng ibalik sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang NCR dahil sa patuloy na community transmission ng COVID-19.
Samantala, iginiit rin ni Leachon na hindi makakatulong sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa ang panukalang magkaroon ng “green lane” para sa mga vaccinated traveler na papasok sa Pilipinas.
Aniya, dahil patuloy pa rin ang pagsipa ng mga kaso ng COVID-19 sa ibang lugar sa bansa.
Dagdag pa ng health expert, meron tayo kasing variant na P.3 kaya may mga bansa pa na hindi tayo makapasok tulad ng Hongkong at United Kingdom (UK).
Dagdag pa niya, inangkin na natin lahat dahil tayo lang yata ang bansa na kumpleto ang variant ng COVID-19.
Matatandaan, inirekomenda ng Department of Tourism (DOT) na magkaroon ng “green lane” para sa mga nabakunahan na kontra COVID-19.
Kung saan, sa ilalim nito ay maaaring mas lumuwag na ang mga dadaanang travel protocols.