Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na hawak na nila ang flight manifesto ng eroplanong sinakyan ng pasahero mula Dubai, UAE na nagpositibo sa UK variant ng COVID-19.
Ang naturang manifesto ay binigay mismo sa DOH ng Bureau of Quarantine (BOQ).
Ayon sa DOH, nakikipagtulungan na rin sila sa Local Government Units (LGUs) sa pagtunton sa mga pasahero ng nasabing flight dahil ilan sa mga ito ay hindi ma-contact sa kanilang ibinigay na contact details.
Tiniyak din ng DOH na ang girlfriend ng Filipino patient ay sasailalim muli sa swab test kahit na negatibo ito sa unang pagsusuri.
Nilinaw naman ni Dr. Marissa Alejandria na hindi kailangang mag-panic ng publiko dahil maayos naman ang surveillance system ng pamahalaan.
Ayon naman kay Dr. Edsel Salvana, hindi ito ang unang pagkakataon na nagkaroon tayo ng mas infectious variant ng virus.
Nilinaw naman ng DOH na wala silang idadagdag na bagong health protocol sa kabila ng pagkakaroon sa bansa ng UK variant ng COVID-19.
Tiniyak din ng DOH na epektibo ang mga bakunang gagamitin sa bansa sa kahit na anong variant ng virus.
Inanunsyo naman ni Health Sec. Francisco Duque III na irerekomenda nila sa Office of the President na isama ang UAE travel restriction laban sa mga bansang may iba’t ibang variant ng virus
Aniya, kumpiyansa siya na aaprubahan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Bukas nakatakdang magtapos ang travel restriction ng Pilipinas sa 33 mga bansa at teritoryo at inaantabayanan ang posibleng pagpapalawig dito ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Samantala, inaprubahan na rin ng Food and Drug Administration (FDA) ang ang COVID-19 vaccine na gawa ng Pfizer para sa Emergency Use Authorization (EUA) nito sa bansa.
Ang Pfizer-BioNTech ang unang bakuna na nabigyan ng EUA sa Pilipinas.
Kinumpirma rin ni FDA Director General Eric Domingo na kahapon ay nagsumite na rin ang Sinovac ng China ng kanilang EUA.
Gayunman, sisimulan aniya ng FDA ang pag-review rito kapag nakumpleto na ang mga kailangang dokumento.
Ayon kay Domingo, hindi pa nakapagsumite ang Sinovac ng kumpletong data para sa clinical trial.