Manila LGU at MPD, muling nagpaalala na huwag lumabag sa curfew

Muling pinapaalalahanan ng lokal na pamahalaan ng Maynila at ng Manila Police District (MPD) ang mga magulang ng mga menor de edad na lumalabag sa curfew na mayroong umiiral na ordinansa sa lungsod na maaari silang maparusahan.

Ito’y kasunod ng tumataas na bilang ng nahuhuling mga menor de edad na lumalabag sa curfew na nasa higit 300 sa loob lamang ng tatlong araw.

Sa City Ordinance No. 8243 o ang Anti-Child Endangerment Act, pagbabayarin ng multa at posibleng makulong ang mga magulang ng mga menor de edad na lumalabag sa ipinapatupad na curfew.


Ayon kay MPD Director Police Brig. Gen. Leo Francisco, tila napapabayaan na ng ibang mga magulang ang kanilang anak kaya’t ipinapaalala nila ang nasabing ordinansa.

Sa kabuuan, umaabot na sa 2,171 na indibwal sa lungsod ng Maynila ang nahuhuling lumalabag sa curfew.

Nabatid naman na sa unang paglabag ng mga menor de edad ay maaari pa rin pagbigyan at pagsabihan ang mga magulang pero sa ikalawa at ikatlong paglabag ay pagmumultahin na sila at posible pang makulong.

Facebook Comments