Maricel Soriano, humarap sa pagdinig ng Senado; alegasyon na sangkot siya sa iligal na droga, itinanggi ng aktres

Humarap sa pagdinig ng Senado ang aktres na si Maricel Soriano na nakakaladkad ngayon ang pangalan kasama si Pangulong Bongbong Marcos kaugnay sa nag-leak na mga dokumento ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nasasangkot ito sa iligal na droga na may petsang March 11, 2012.

Sa pagharap ni Soriano sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, diretsahan nitong pinabulaanan ang tungkol sa mga nag-leak na dokumento.

Ayon sa aktres, hindi niya alam ang tungkol sa mga dokumento at nalaman na lang niya ang tungkol dito nang ipakita ito sa kanya.


Magkagayunman, inamin naman ni Soriano sa pagtatanong ni Committee Chairman Ronald “Bato” dela Rosa na siya ang may-ari ng condo unit sa Rockwell na unit 46-C Rizal tower building na naging subject ng operasyon ng PDEA noong 2012.

Pero, sinabi ni Soriano na naibenta na niya ang unit noon ding 2012 kaya lamang hindi niya maalala kung anong buwan niya ito naibenta.

Mariin ding itinanggi ng aktres sa Senado ang balita noong 2011 na binugbog niya ang dalawang kasambahay na nagsampa sa kanya ng kasong ‘serious physical injury’ dahil sa pananakit sa mga ito at paggamit ng cocaine.

Katwiran ni Soriano, papano naman niya bubugbugin ang mga ito na dalawa sila habang siya ay nag-iisa lang at umalis ang mga ito matapos siyang pagnakawan.

Mahahalata rin na kabado ang aktres habang sumasagot sa mga tanong ni Dela Rosa at hindi aniya siya sanay na humarap sa mga ganitong public hearing.

Facebook Comments