Mayor Isko, inilunsad ang drive-thru vaccination para sa mga driver

Bukod sa patuloy na maraming vax drive sa Maynila, Mayor Isko naglunsad ng Drive-Thru Vaccination para sa 4-Wheel, 3-Wheel Public Utility Vehicle (PUV) Drivers para labanan ang Omicron surge.

Inilunsad ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang pinakabagong booster vaccination drive-thru para sa mga driver ng public utility vehicles, kabilang ang mga jeepney, taxi, tricycle, pedicab at maging ang mga delivery van sa Bagong Ospital ng Maynila, na tatakbo mula 8 am hanggang 5 pm netong Lunes, January 17, para mapagaan ang booster drive-thru vaccination site sa harap ng Quirino Grandstand sa Luneta na ngayon ay 24-hour na nag-o-operate.

“Sino-sino po ‘yan? Jeepney driver, tricycle driver, sidecar boy, delivery van, pedicab driver, taxi driver. Dalhin nyo pamilya ninyo, mag drive-thru kayo, injection ng booster para proteksyon. Tapos uwi, na byahe na uli, trabaho na uli para hindi masayang ang araw ninyo ng hanap-buhay,” anya  ng Mayor ng Maynila.


Ayon kay Moreno, ang malawakang na pagbabakuna ay maaaring maiwasan ang posibleng hospitalization and even death sa mga nananatiling hindi nabakunahan sa gitna ng pagtaas ng mga impeksyon sa Covid-19 dahil sa variant na Omicron.

Patuloy pa rin sa Kartilya ng Katipunan malapit sa Manila City Hall ang booster drive-thru caravan para sa 2-wheel vehicles, kabilang ang mga  courier ng Grab, Angkas, Lalamove, Shopee, Mr. Speedy, Food Panda, Lazada, at iba pa.

Patuloy din ang pagbabakuna araw-araw sa iba’t ibang Manila health centers, sa mga itinalagang public schools at shopping mall, at on-site booster shot para sa mga construction workers sa lahat ng Manila city projects.

“So meron tayong two-wheel motorized, non-motorized sa Kartilya ng Katipunan, meron tayong four-wheel sa private sa Luneta, at meron tayong innovation naman na dagdag sa Bagong Ospital ng Maynila sa kanto ng Mabini St. corner Quirino, sa tabi ng Manila Zoo,” sabi ni Moreno.

“Kasi yung infection hindi na maiiwasan. Pami-pamilya na ang nai-infect, so sa akin ang gusto ko may additional protection kayo para walang mamatay sa Covid. Yun na lang ang iniiwasan natin, yung masawi sa Covid infection,” turo ng alkalde.

“We’ll do our best. Basta pipilitin na mayakap kayo lahat as much as possible as soon as possible para sa kaligtasan nating lahat,” dagdag pa niya.

Pinaplano rin ng 47-year old akyson demokratiko standard-bearer na gamitin ang bagong-redevelop na Manila Zoo bilang vaccination site para sa mga senior citizen at sa mga bata na may edad na 5 hanggang 11 habang plano ng pambansang pamahalaan na ilunsad ang unang pediatric vaccination drive sa unang linggo ng February.

“So we thought, dahil sa nagre-request na mga tao sa Manila Zoo, at least magkaroon sila ng sneak peek. At marami naman na ang mapapasyalan dito – open air, maaliwalas. Double purpose pa, maipapasyal nila ang kanilang apo o yung mga lolo at lola,” sinabi ni Moreno noong Sabado sa kanyang pagbisita sa Manila Zoo.

Facebook Comments