Pinatawan ng anim na buwan na preventive suspension ng Office of the Ombudsman ang mayor ng Tayabas City, Quezon.
Ang ginawang aksyon ng Ombudsman ay mayroong kaugnayan sa kontrobersyal na pagbili umano ng mga heavy equipment para sa lungsod na nagkakahalaga ng 113 million pesos nuong buwan ng Hunyo 2023.
Base sa walong pahinang Resolusyon ni Ombudsman Samuel Martirez, mayroong sapat na batayan upang patawan ng suspensyon sina Mayor Maria Lourdes Reynoso-Pontioso at City Administrator Diego Narzabal.
Nabatid na matibay din umano na ebidensya para sa kanilang pagkakasala at maaaring masibak sa pwesto dahil sa mga reklamong Grave Misconduct, Grave Abuse of Authority, Gross Neglect of Duty, at Conduct Prejudicial to the Best interest of the Service.
Nararapat din na alisin muna sa pwesto sina Mayor Reynoso-Pontioso at City Administrator Narzabal upang hindi makahadlang sa ginagawang imbestigasyon ng Ombudsman.
Napag-alaman na nag-ugat ang kaso matapos na i-otorisa ng alkalde ang pagbabayad sa avantrac heavy machinery sa pamamagitan ng letter of credit mula sa Philippine Veterans Bank na nagkakahalaga ng 488,686.13 US Dollar o katumbas ng mahigit 113 million pesos sa kabila ng mga discrepancy sa mga dokumento.
Maliban dito, kahit na nadelay sa pagdedeliber ang apat na heavy equipment ng Avantrac, binayaran pa rin ng buo ang kompaniya sa utos ng alkalde.
Lumalabas din na hindi gumagana o nawawala ang ilan sa mga ideneliber na truck.
Matatandaan na nuon namang January 04, 2024, naglabas ng Memorandum si Mayor Reynoso-Pontioso at may-noted ni Administrator Narzabal para atasan ang City Accountant na ilagay na sa book of accounts ang mga idineliber na heavy equipment kahit na hindi pa rin tapos ang inspeksyon sa mga ito.
Nahalungkat ang kontrobersya matapos ang isinagawang pagsisiyasat ng Sangguniang Panglungsod ng Tayabas na kabilang din sa hawak na dokumento ngayon ng Ombudsman.