Meat scam, ibinabala ng PNP-ACG

Pinag-iingat ng Philippine National Police-Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) ang publiko hinggil sa “meat scam.”

Ito’y matapos mahuli ng mga awtoridad sa pamamagitan ng entrapment operation sa Cavite ang isang babae na nambibiktima sa Facebook Marketplace sa pamamagitan nang pagbebenta online ng mga frozen meat.

Ayon kay PNP-ACG Cyber Response Unit Chief PCol. Jay Guillermo, dapat maging mapanuri sa transaksyon online lalo na sa mga murang produkto o kapag “too good to be true.”


Aniya, para maiwasan na mabiktima ng scam, dapat alamin muna kung may physical store ang nagtitinda bilang pruweba bago bumili.

Ang operasyon ay ikinasa makaraang magsumbong sa mga awtoridad ang biktimang si Emanuel dela Cruz laban sa suspek na si Romelyn Lobaton ng Canacao Bay Samonte Park Cavite City.

Reklamo ng biktima nakipag- transaksyon sya sa suspek sa pamamagitan ng FB Marketplace kung saan bumili siya dito ng 27 kilos ng beef at 15 kilos ng chicken sa halagang P12,173.00

Pagkabayad umano nya, bigla na lamang siyang binlock sa FB Messenger.

Dito na nagpasaklolo ang biktima sa pulisya kung saan nagpanggap ang mga awtoridad na bibili rin ng frozen meat sa FB account na Maria Cortiz at nang magkasundo na babayaran na ng P6,000 sa smart padala rito na ikinasa ang operasyon.

Sa ngayon nahaharap ang suspek sa paglabag sa Swindling/Estafa at Cybercrime Prevention Act of 2012.

Facebook Comments