Memo laban sa mga kawani na gumagamit ng sasakyan na walang plaka, inilabas ng MMDA

Binalaan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga tauhan nito na gumagamit ng mga hindi rehistradong sasakyan na walang plaka.

Ayon kay MMDA Chairman Atty. Romando Artes, naglabas ng Memorandum ang ahensya ngayong araw hinggil sa paggamit ng mga hindi rehistradong personal vehicle na walang plaka.

Paliwanag ni Artes na ang Memorandum na naka-address sa lahat ng traffic personnel bilang tugon sa Facebook post ng Riders’ Safety Advocates of the Philippines (RSAP) na nag-viral sa social media.


Base sa Facebook post ng RSAP, ipinakita ang isang MMDA traffic enforcer na kinilalang si Wilfredo Ordoña, na nakatalaga sa TDO Parking Management Team na nagmamaneho ng motor sa Boni Avenue Edsa na walang plaka.

Nakasaad sa Memo, pinaalalahanan ang mga tauhan ng MMDA sa kanilang mga tungkulin sa publiko, lalo na ang mga Traffic enforcer na naatasang hulihin ang mga motoristang gumagawa ng mga paglabag sa trapiko.

Binigyang diin pa ni Artes dapat ang MMDA personnel ang manguna na magiging mabuting halimbawa at ipatupad ang batas trapiko at hindi upang labagin ng mga Traffic enforcers na nanghuhuli sa mga lumalabag sa batas trapiko.

Inatasan na rin ni Artes si Atty. Victor Maria Nuñez, Director for Enforcement ng MMDA Traffic Discipline Office (TDO), na parusahan si Ordoña, sa pamamagitan ng pagbibigay ng traffic citation ticket para sa kanyang mga paglabag.

Facebook Comments