Memorandum para sa pagtanggal ng registration fee sa bawat top box o saddle bag na ikinakabit sa mga motorsiklo, pinirmahan na ni LTO chief

Kinumpirma ng Land Transportation Office (LTO) na tinanggal na nila ang bayad sa registration ng mga custom-made top box at saddle bag na nakakabit sa mga motorcycle.

Kasunod na rin ito ng paglagda ni LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao sa isang memorandum na nagsasaad na wala nang kokolektahing P100 na registration fee sa top box o saddle bag.

Aniya, alinsunod na rin ito sa direktiba ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Acting Transportation Secretary Giovanni Z. Lopez, na layuning pagaanin ang buhay ng mga rider na gumagamit ng kanilang motorsiklo sa paghahanapbuhay.

Paliwanag ni Lacanilao, malaki itong tulong sa mga rider na umaasa sa kanilang motorsiklo sa kanilang paghahanapbuhay para maalis na ang dagdag na gastusin.

Hinihikayat din ni Lacanilao ang lahat ng stakeholder, kabilang ang mga regional director at mga pinuno ng inspection center na ipatupad ang patakaran at tulungan ang mga may-ari ng motorsiklo na makumpleto ang mga proseso ng pagpaparehistro nang walang pagkaantala.

Facebook Comments