Mga dating mga manggagawa sa NAIA, umapela sa Kongreso na busisiin ang kontrata sa pagitan ng SMC at ng DOTr kaugnay ng pagsapribado sa NAIA

Umapela sa Kongreso ang mga dating mga manggagawa sa NAIA para imbestigasyon ang kontrata pagitan ng San Miguel Corporation (SMC) at ng Transportation Department kaugnay ng pagsasapribado sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ayon kay Ric Serrano, Chairman Emeritus ng Political League of the Philippines o POLPHIL, kaduda-duda ang multi-bilyong pisong deal sa pagitan ng gobyerno at ng SMC kung saan naselyohan ito sa loob lamang ng siyam na buwan.

Iginiit ni Serrano na malinaw na walang transparency, due diligence, at public accountability ang kontrata.

Ang Php170 bilyon na pribadong investment ng New NAIA Infra Corp (NNIC), kung saan may inaasahan P1 trilyon na kita o share ang gobyerno sa loob ng 25 taon, ay malaking pasanin aniya sa mga ordinaryong pasaherong Pilipino, at sa maliliit na negosyante.

Sinabi pa ni Serrano na halos ilang linggo pagkatapos ng pagpirma ng kontrata, ang grupo ng SMC-NNIC ay nagpataw agad ng 300% na pagtaas sa parking fee kung saan mula P300 ay itinaas ito sa P1,200

Bukod pa aniya ito sa mataas na rate ng lease o sa pag-upa sa mga pwesto sa paliparan nang walang kaukulang pampublikong konsultasyon.

Nagbabala rin ang grupo na bunga nito ay nanganganib na mawalan ng trabaho ang maraming mga manggagawa sa NAIA.

Facebook Comments