
Nanawagan si Senator Risa Hontiveros sa pamahalaan na seryosong aksyunan ang talamak pa rin na pagpapanggap ng ilang dayuhan na sila ay Filipino citizen.
Kaugnay na rin ito sa pagkakaaresto sa isang Chinese national na nagmala Alice Guo na nahulihan na gumamit ng pekeng dokumento sa NAIA at nagpapanggap na isa siyang Pilipino.
Giit ni Hontiveros, hindi dapat nabibili ang pagiging Pilipino at kailangang aksyunan na ito para matuldukan na ang ganitong kalakaran.
Hinimok ng mambabatas ang mga law enforcers na ipagpatuloy ang imbestigasyon sa mga nasa likod ng pagbebenta ng mga government-issued IDs sa mga dayuhan.
Pinayuhan din ni Hontiveros ang mga ahensya tulad ng Philippine Statistics Authority (PSA) at Department of Foreign Affairs (DFA) na linisin ang kanilang hanay kung kinakailangan para matiyak ang integridad ng mga dokumentong iniisyu sa publiko.









