Mga indibidwal na mapasasailalim sa granular lockdown, otomatikong isasalang sa swab test

Otomatikong isasailalim sa RT-PCR o swab test, contact tracing at isolation ang mga indibidwal na masasaklaw ng granular lockdown.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Metro Manila Council chair at Parañaque City Mayor Edwin Olivarez na layon nitong ma-contain o mapigilan ang pagkalat ng nakahahawang sakit.

Aniya, sinuman sa mga taong nasa loob ng lockdown area na na-expose sa COVID positive ay kailangang maisailalim agad sa swab testing at kapag nagpositibo ay agad mai-isolate o madala sa quarantine facility.


Kasabay nito, magsasagawa ang lokal na pamahalaan ng active case finding.

Samantala, simula rin bukas ipatutupad ang micro granular lockdown kung saan kapag nagkaroon ng isang kaso sa isang condominium o gusali at sa isang bahay, ipatutupad na agad ang lockdown.

Habang sa kalsada naman ay magkaroon lamang ng dalawang confirmed cases ay otomatikong isasailalim na rin sa lockdown.

Facebook Comments