Mga kompanyang magpapatupad ng “No Vaccine, No Salary” policy, papanagutin ng DOLE

Tiniyak ng Department of Labor and Employment (DOLE) na sisilipin nila ang sumbong ng ilang mga manggagawa hinggil sa ipinatutupad na “No Vaccine, No Salary” policy ng isang kumpanya sa Metro Manila.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, labag sa Labor Code ang pag-ipit sa sahod ng mga empleyado nang walang legal na basehan.

Hindi rin naman aniya pwedeng piliting magpabakuna ang mga manggagawa maliban na lamang kung may batas ukol dito.


“Bawal yan, hindi pwedeng gawin yan kasi that is a violation of labor code dahil hindi mo pwede i-hold ang sweldo ng isang tao kung walang dahilan na legal. E yung pagbabakuna naman e hindi naman legal na dahilan ‘yan,” saad ni Bello.

“Well, kung merong magrereklamo sa amin, ipapa-inspect namin yun at kapag napatunayan na ginagawa yun, we will issue a compliance of… then babayaran. Kapag hindi binayaran, kami na mismo ang mag-execute,” dagdag niya.

Sabi naman ni Associated Labor Union – Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) Spokesperson Alan Tanjusay, handa nilang ibahagi sa DOLE ang kopya ng natanggap nilang reklamo.

“Willing kaming i-share sa kanila provided na, ingatan nila at baka pag-initan naman ang mga manggagawa,” ani Tanjusay.

Iminungkahi rin nito sa ahensya na magpalabas ng abiso para balaan ang mga kompanyang magpapatupad ng nasabing polisiya.

Facebook Comments