
Naglabas ng paglilinaw ang Department of Finance (DOF) kaugnay sa Capital Markets Efficiency Promotion Act (CMEPA) matapos maglipana ang mga post na magpapataw ng buwis sa mga ipon sa bangko.
Ayon sa DOF, walang bagong tax at sa halip ay itinama lamang ang halaga ng buwis sa interest income dahil sa hindi patas na sistema at pumapabor lamang sa mayayaman.
Batay anila sa mga pag-aaral at datos, karamihan ng mga may hawak ng mas matagal ang maturity ng deposits ay mga mayayaman at may kaya.
Dahil dito, sila lamang daw ang nakikinabang sa preferential rates mas mababang buwis at kung minsan ay wala pang binabayaran.
Paglilinaw pa ng Finance Department, hindi totoo na bubuwisan ang savings ng mga naka-deposito sa bangko at sa halip ay ang interes lamang na kinikita nito ang papatawan.
1998 pa lamang din anila ay mayroong nang 20 porsyentong tax sa interes na kinikita ng mga karaniwang deposito sa bangko alinsunod sa Tax Reform Act of 1997.
Sabi ng DOF, dumaan sa masusing pag-aaral ng Kongreso ang CMEPA bago maisabatas nitong May 29.
Paalala rin ng kagawaran, maging mapanuri sa mga mababasa online na ginawa para magpakalat ng maling impormasyon.









