
Hinamon na lamang ni Senate President Tito Sotto III ang mga kumukwestiyon sa matagal na pag-absent o pagliban ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na maghain na lamang sila ng ethics complaint.
Ayon kay Sotto, kung may mga kababayan na gustong tanungin at panagutin ang isang mambabatas sa matagal na hindi pagpasok sa trabaho ay pinakamagandang remedyo ang maghain na lamang ng reklamo sa Ethics Committee.
Sinabi pa ng Senate president na walang rules sa mga mambabatas na “no work, no pay” at malabong amyendahan nila ito dahil dito.
Kinumpirma rin ni Sotto na sumusweldo pa rin si Sen. Bato sa kabila ng halos isang buwan na hindi ito pumapasok sa Senado dahil patuloy pa rin namang nag-fa-function ang opisina ng senador.
Inihalimbawa ng senador na sa Kamara ay mayroong kongresista na isang buong taon na hindi pumapasok pero wala namang umangal habang noong nakulong sina dating Senator Antonio Trillanes IV at dating Senator at ngayo’y Congresswoman Leila de Lima ay patuloy na nagtatrabaho at gumagana ang kanilang mga opisina kahit hindi sila pisikal na pumapasok noon sa Senado.









