Natutuwa ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na walang naramdamang negatibong epekto sa ngayon ang mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG) na unang naturukan ng bakuna kontra sa COVID-19.
Ito ang pahayag ni AFP Spokesperson Maj. Gen. Edgard Arevalo, kasabay ng pahayag na ang bolunyaryong pagpapabakuna ng mga sundalo ng PSG ay isang “selfless act” para magampanan ang kanilang tungkulin na pangalagaan ang kaligtasan ng Pangulo.
Samantala, sinabi pa ni Arevalo na walang ginawang survey ang militar sa kanilang hanay kung sino ang pabor na magpabakuna o hindi, tulad ng ginawa ng Philippine National Police (PNP) sa kanilang hanay.
Paliwanag ng opisyal na bilang mga propesyunal na sundalo, susunod sila sa anumang desisyon ng pamunuan ng AFP pagdating sa paggamit ng bakunang aprubado ng Bureau of Food and Drugs.
Pero, prayoridad nilang mabakunahan ang kanilang mga medical personnel at frontliners na bumubuo ng humigit kumulang 25 porsyento ng pwersa ng AFP.