Mga nasa likod ng pagkakamali sa mga self-learning module ng DepEd, tiniyak ng Kamara na mapaparusahan

Tiniyak ni Committee on Public Accounts Chairman at Probinsyano Ako Partylist Rep. Jose “Bonito” Singson na mapaparusahan ang mga nasa likod ng mga pagkakamali sa learning materials na ibinigay sa mga mag-aaral.

Kasunod na rin ito ng nakumpirmang 155 errors sa mga learning module kabilang ang bulgar at mahalay na salitang ginamit sa self-learning module para sa mga Grade 10 student na mula sa Department of Education (DepEd) Division, sa Mabalacat, Pampanga.

Aalamin ngayon ng komite kung nararapat na parusahan o patawan ng multa ang mga sangkot sa publication at distribution ng mga libro at learning materials na may errors, ito man ay sinasadya o hindi.


Bukod kasi sa mga may-akda at sumulat ng learning materials, ang mga government officials gayundin ang mga personnel na naatasang mag-edit, mag-proofread, sumuri at nag-apruba sa publication at distribution ng mga libro at learning materials ay mapaparusahan.

Nauna namang sinabi ni Education Usec. Tonisito Umali sa pagdinig sa Kamara na inaksyunan na nila ang mga pagkakamali nitong Pebrero ngunit ang indibidwal na naglagay ng bulgar na salita ay hindi pa natutukoy at napaparusahan.

Inaasahan rin ng komite na sa susunod na pagdinig ay may katanggap-tanggap na paliwanag ang DepEd sa patuloy nitong pagpalya na makasunod sa probisyon ng RA 8047 para sa responsableng pagpa-publish ng mga libro.

Facebook Comments