Nanawagan si Albay Rep. Joey Salceda sa mga flour millers at panadero na siksikan ng nutrisyon ang kanilang mga produkto sa gitna na rin ng ‘shrinkflation’ o pagliit ng ‘serving size’ ng pagkain.
Dahil tumaas ang presyo ng trigo, itlog at asukal ay napipilitan na ang ilang mga panaderya na bawasan o liitan ang itinitindang tinapay sa halip na magtaas ng presyo para makabili pa rin ang mga consumers.
Sinabi ng Committee on Ways and Means Chairman na ang tinapay ang pinakatatamaan ng ‘shrinkflation’ lalo pa’t tumaas ang presyo ng trigo sa 165% at nagbabadya na rin ng lalo pang pagtaas sa presyo ng itlog at asukal.
Giit ni Salceda, habang sinisikap ng pamahalaan na makontrol ang pagtaas ng presyo at kakapusan sa suplay, hinihimok niya ang mga manufacturers at millers na punan ang kanilang mga produkto ng bitamina at mineral upang masulit naman ang pagbili sa produkto.
Makikipagtulungan naman ang mambabatas sa Food and Nutrition Research Institute para makabuo ng ‘prescribed guide’ sa paggawa ng tinapay na may pareho o mataas na nutritional value pero mababa ang presyo.
Matatandaan na nitong Marso ay ibinabala ni Salceda ang pagtaas sa presyo ng tinapay bunsod ng kaguluhan sa Russia at Ukraine na nakakaapekto sa kalakalan ng trigo.