
Lumabas sa pagdinig ng House Committee on Transportation na posibleng sa mga scalper bumili ng tickets ang mga pasahero ng lumubog na MV Trisha Kerstin 3 na wala sa manifeto.
Ito ang tugon ni Nelson Tan ng Aleson Shipping, ang kumpanyang may-ari ng lumubog na barko sa pagtatanong ni Quezon Rep. Reynante Arrogancia kung bakit maraming pasahero sa lumubog na MV Trisha Kerstin 3 ang hindi kasama sa manifesto.
Ayon kay Tan, ang pagbili ng tickets sa mga scalper ay matagal ng problema sa shipping industry lalo na kapag peak season.
Diin ni Tan, wala silang kontrol kung ang biniling tickets sa kanila ay ipapagamit o ibebenta sa iba.
Binanggit ni Tan na 352 ang kapasidad ng M/V Trisha Kerstin 3 at 332 lang ang tickets na kanilang na-isyu kaya may available pa para sa 20 pasahero.
Lumubog ang barko sa karagatan malapit sa Basilan noong January 26 at ngayon ay nasa 65 na ang naitalang pasaherong nasawi.










