Inaasahang aakyat sa 60, 000 hanggang 65, 000 ang mga pasaherong bibiyahe sa pamamagitan ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ngayong weekend kasabay ng pagunita sa Undas.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni PITX Corporate Affairs and Government Relations Head Jayson Salvador, nakikipag-ugnayan na sila sa mga kinauukulang tanggapan ng pamahalaan, tulad ng Inter-Agency Council for Traffic (IACT), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at Land Transportation Office (LTO), upang matiyak ang kaligtasan ng mga biyahero.
Aniya, nagdagdag na rin sila ng mga tauhan sa terminal na tumututok sa implementasyon ng health protocol, upang masiguro ring ligtas sa COVID-19 ang mga pasahero.
Una na ring sinabi ni Salvador, na mula nang bumaba sa Alert Level 3 ang Metro Manila, naramdaman rin ang pagtaas ng bilang ng mga pasaherong bumibiyahe mula sa PITX.
Mula aniya sa 20, 000 – 25, 000 kada araw noong mas mahigpit pa ang umiiral na restriction sa National Capital Region (NCR), sa kasalukuyan ay nasa 50,000 – 55, 000 na pasahero na aniya ang kanilang naitatala kada araw.