Hinimok ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang mga Pilipino na patuloy na maging makabayan o may pagmamahal sa bayan.
Ginawa ng pangulo ang paghikayat kaugnay sa paggunita ngayong araw nang ika-1 daan at 26 na anibersaryo ng kabayanihan ng pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal.
Sa mensahe ng pangulo na katulad ni Jose Rizal hiling niya na bawat Pilipino ay magkaroon ng pagmamahal sa bayan.
Aniya, sa kabila ng pag-uusig, banta at pang-aapi, ginawa pa rin ni Dr. Rizal ang paghahayag kaugnay sa kawalang katarungan at korapsyon sa kamay ng mga colonizers.
Ito’y hind sa pamamagitan ng marahas na pakikibaka sa halip sa pamamagitan ng mapayapang pagpoprotesta gamit ang pluma.
Hinikayat din ng pangulo ang mga Pilipino na maging mapagmatyag sa anomang bantang nakaamba sa kalayaan ng bansa kasabay ng panawagang magkaroon sana ng ambag ang bawat isa para sa kabutihan ng bayan.
Sinabi pa ng pangulo na ang tunay na kabayanihan ay makikita rin sa kung paano nilalabanan ng bawat isa ang aniya’y kani-kaniyang silent battle o pakikibaka na magdadala sa mas magandang bukas at hinaharap.