Isa-isang inilatag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang mga pangmabilisan at pangmatagalang solusyon nito sa mga hamong kinahaharap ng sektor ng agrikultura.
Sa kaniyang unang State of the Nation Address (SONA), kinilala ng pangulo ang mga problema sa sektor gaya ng tuloy-tuloy na pagsipa ng presyo ng pagkain at kawalan ng suplay.
Kaya para mapanatili ang purchasing power ng mga mamimili, isinapinal ng Department of Agriculture (DA), kung saan siya rin ang nagsisilbing kalihim, ang planong taasan ang lokal na produksyon sa susunod na planting season sa pamamagitan ng tulong pinansyal at teknikal.
“Magbibigay tayo ng pautang, habang mas ilalapit natin sa sector ang hindi gaanong mahal na farm inputs na bibilhin na nang bulto ng gobyerno kabilang dito ang abono, pestisidyo, mga punla, feed, fuel subsidy at ayuda para sa mga karapat-dapat na benepisyaryo,” ani Marcos.
Sa pangmatagalan, itataas ng gobyerno ang produksyon ng mga kalakal at produktong pang-agrikultura sa pamamagitan ng pagpapatibay ng value chain.
Kaugnay nito, masusing gagabayan ng DA ang pagsasaliksik sa makabagong paraan ng pagtatanim at pag-aalaga ng mga hayop.
Dagdag pa niya, magiging institusyon at patakaran ng administrasyong marcos ang mga pautang at financial assistance sa mga magbubukid at mangingisda.
“Ipapa-prayoridad natin ang modernisasyon ng mga sakahan sa pamamagitan ng mga makabagong teknolohiya para sa ating mga magsasaka. Ating palalawakin ang mga palaisdaan, babuyan at manukan. Lahat ng ito gagamitan ng siyensya para tumaas ang produksyong agricultural,” saad pa ng pangulo.
“Maging ang post-production at processing ay susuportahan ng pamalahaan. Gagawa tayo ng national network ng farm-to-market road upang mas mabilis na mailakbay ng mga magsasaka ang kanilang mga produkto sa mga pamilihan. Gagawa tayo ng mga paraan upang maramdaman ng mga mamimili ang pagluluwag ng presyo ng mga produktong pagkain sa kayang halaga gaya ng muling pagbuhay ng mga Kadiwa Center,” dagdag niya.