Mga progresibong grupo, nagkilos-protesta sa Mendiola sa Maynila kasabay ng ika-isang taong pagkaluklok ni PBBM

Nagsagawa ng kilos-protesta sa Mendiola Maynila ang iba’t ibang progresibong grupo, kasabay ng isang taon mula nang mailuklok si Pangulong Bongbong Marcos sa pagkapangulo ng Pilipinas.

Kabilang sa mga grupong ito ay ang BAYAN at Kilusang Mayo Uno (KMU).

Naging sentro ng kilos protesta ang panawagan na itaas ang sahod ng mga manggagawa at ibaba ang presyo ng mga produkto at serbisyo.


Ayon sa KMU, bagama’t nagtaas ng P40 ang sahod sa National Capital Region ngayong buwan, kulang pa rin daw ito dahil aabot ng P100 ang nawala sa sahod ng mga manggagawa dahil sa inflation.

Anila, naipakita ni Pangulong Marcos kung gaano siya kabarat dahil kulang ang P40 lalo na sa mga malayong rehiyon.

Dagdag pa ng grupong BAYAN, hindi dapat ipagdiwang ang unang taon ni Pangulong Marcos dahil nananatiling mataas ang presyo ng bilihin, wala pa rin ang pangakong P20 na kada kilo ng bigas, at tila insulto ang katiting na P40 na dagdag sahod sa NCR.

Samantala, hinamon ng mga naturang grupo si Pangulong Marcos na mag-legislate ng isang national minimum wage sa darating na State of the Nation Address (SONA).

Facebook Comments