Mga pulis na umano’y nakapatay sa dalawang aktibista sa Albay, isinailalim na sa restrictive custody

Inutos na ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar ang mas malalim na imbestigasyon sa pagkakapatay sa dalawang aktibista na kinasasangkutan ng mga pulis na nakatalaga sa Albay PNP.

Ayon kay Eleazar, para maalis ang haka-haka at alegasyon sa pagkamatay ng dalawang aktibista, inutos niya sa PNP-Internal Affairs Service (PNP-IAS) ang pag-iimbestiga at pinabibilisan ito para mabigyang linaw kung ano ang totoong nangyari.

Inutos niya na rin kay PNP Region 5 Regional Director Brig. Gen. Jonnel Estomo na isailalim sa restrictive custody ang mga pulis ng Albay na nakapatay sa mga aktibistang sina Jemar Palero, 22-anyos at Marlon Naperi, 38-anyos na nasawi nitong nakalipas na Lunes ng umaga sa Barangay Lower Binogsacan sa Guinobatan, Albay.


Batay sa official report ng PNP Albay, may mga baril umano ang mga aktibista nang magsagawa sila ng protesta nitong Lunes at pinaputukan ang mga pulis kaya gumanti umano ng putok ang mga pulis dahilan ng pagkamatay ng mga ito.

Sa ngayon, hinihikayat ni PNP chief ang mga nakasaksi sa pangyayari na magbigay ng impormasyon sa PNP para mabigyang linaw ang kaso.

Panawagan din ni Eleazar sa publiko na huwag magbibigay nang anumang mga ispekulasyon sa pangyayari hangga’t walang resulta ang isinasagawang imbestigasyon.

Facebook Comments