Pinaiimbestigahan ng Makabayan bloc sa House Committee on Transportation ang mga reklamo ng mga pasahero laban sa serbisyo ng Cebu Pacific tulad ng overbooking, offloading at iba pang aberya.
Nakapaloob ito sa House Resolution na inihain nina Gabriela Party-list Representative Arlene Brosas, ACT Teachers Party-list Representative France Castro at Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel.
Nakasaad sa resolution na ang aviation industry ay mahalaga sa ating ekonomiya at sa pagbibigay ng serbisyo sa milyun-milyong mga Pilipino.
Para sa Makabayan bloc, nakakabahala ang tumitinding mga reklamo ng mga pasahero ng eroplano at ang kawalan ng pananagutan sa ating airline industry.
Binigyang diin sa resolusyon na responsibilidad ng gobyerno na tiyakin na ang operasyon ng ating airline industry ay mahigpit na sumusunod sa mga patakaran at pamantayan na nagbibigay proteksyon sa interes ng publiko.
Hinihiling din sa resolusyon na pag-aralan at palakasin ng Department of Transportation (DOTr) at iba ang kinauukulang ahensya ang patakaran kaugnay sa overbooking, compensation at customer service sa airline industry.