Mga social workers, pinadadagdagan ng sweldo

Hiniling ng isang kongresista sa Kamara na dagdagan ang sahod ng mga “social workers” ng gobyerno.

Tinukoy sa inihaing House Bill 10585 ni Bulacan Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado ang mahalagang papel ng mga “social workers” ngayong pandemya at ang kanilang pagiging mga “frontliners”.

Ang mga social workers ang kadalasang namamahagi ng mga ayuda sa mga mahihirap na pamilya, nagkakaloob ng mga serbisyo sa mga bata lalo na ang mga naaabuso, na-trauma o naharap sa “armed conflict” at nagsasanay sa mga kababaihan sa mga posibleng kabuhayan at iba pa.


Sa panukala ay pinaaamyendahan ang Republic Act 9433 o ang “Magna Carta for Public Social Workers.”

Sa ilalim ng panukala ay kikilalanin ang dedikasyon at trabaho ng mga social workers sa pamamagitan ng pagbibigay ng mas mataas na kompensasyon.

Kapag naging ganap na batas, ang sahod ng entry-level junior officer public social workers ay hindi dapat bababa sa “Salary Grade 13” o higit P28,000.

Para sa mga lokal na pamahalaan na walang sapat na pondo, maaaring magtakda ng naaayon na “rate” para sa mga social workers na kailangang aprubahan ng Social Work Management and Consultative Council.

Facebook Comments