Tiniyak ng iba’t ibang telecommunications companies na handa silang tumulong sa publiko para sa pagrerehistro ng kanilang mga Subscriber Identification Module o SIM cards.
Ito’y kasunod ng pagsisimula ngayong araw, Disyembre a-27 ng SIM Registration salig sa umiiral na Republic Act 11934 o ang SIM Registration Act.
Sinabi ni DITO Telecommunity Chief Administrative Officer Atty. Adel Tamano, bukas ang kanilang 24 DITO stores para sa mga nais iparehistro ang kanilang mga SIM card.
Paliwanag pa ni Tamano, nakalaan aniya ito sa mga subscriber nilang walang sapat na kakayahan o kaalaman sa pagpaparehistro ng kanilang SIM via online.
Sinabi naman ni PLDT SMART First Vice President at Corporate Communications Head Cathy Yang, handa ring umalalay ang kanilang mga service center sakaling may katanungan ang kanilang mga subscriber hinggil sa proseso ng pagpaparehistro.
Sa panig naman ng Globe Telecom, sinabi ni Policy Division Corporate and Legal Services Group Head Atty. Ariel Tabuyan na may mga video presentation sa kanilang website kung paano ang step-by-step procedure ng kanilang registration.