Mga trader na sangkot sa smuggling at hoarding ng bigas, pinasasampahan ng kaso

Hinamon ni Senator Chiz Escudero ang Bureau of Customs (BOC) na sampahan na agad ng kaso ang mga traders na hinihinalang sangkot sa smuggling at pagho-hoard ng bigas.

Giit ni Escudero, marami nang isinagawang raids nitong mga nagdaang linggo at nagtataka siya kung bakit hanggang ngayon ay wala pa ring nasasampahan ng kaso sa mga ito.

Binigyang-diin ng senador ang kahalagahan na masampahan ng asunto at madala sa korte ang mga itinuturing na nananabotahe sa ekonomiya para magsilbing babala na seryoso ang administrasyong Marcos sa kampanya nito laban sa mga smugglers at hoarders.


Aniya, hindi dapat natatapos lamang sa mga raids sa warehouses ang pagtugis sa mga smugglers at hoarders kundi ang dapat na sunod na hakbang na gawin ay sampahan ng kaso at dalhin ang mga ito sa korte para mapatunayang desidido ang pamahalaan laban sa mga rice cartels.

Tinawag din ni Escudero ang pansin ng BOC sa kabiguang isapubliko ang pangalan ng mga traders at operators ng mga warehouses na ni-raid gayundin ay ipinasasapubliko ang takbo ng mga kaso sa ngalan na rin ng transparency.

Facebook Comments