MPD, hinamon ang mga opisyal ng barangay na sumalang sa drug test bago kumandidato sa nalalapit na elections

Hinamon ng pamunuan ng Manila Police District (MPD) ang lahat ng barangay officials na sumailalim sa drug test para sa 2023 Barangay at Sangguniang Kabataang Elections (BSKE).

Ayon kay MPD Director Brig. General Andre Dizon sa Balitaan sa Tinapayan, ito ay upang maiwasan ang agam-agam at pag-alinlangan na ang mga barangay officials ay sangkot sa illegal na droga.

Aniya, challenge na maituturing na sa mga opisyal na magpa-drug test kung saan paaran ito upang mapatunayan na kahit minsan ay hindi sila gumamit ng iligal na droga.


Giit ni Dizon, boluntaryo naman daw ito at kapag tumanggi ang sinumang opisyal ng barangay ay ipauubaya na lang ang desisyon sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at sa Manila Barangay Bureau.

Sinabi ng opisyal na malaki ang maitutulong nito sa kampanya laban sa illegal na droga ng MPD dahil kapag hindi sila sangkot ay naroon ang tiwala na hindi sila pagdadamutan ng mga impormasyon.

Ang pahayag naman ni Dizon ay kaugnay na rin sa sinabi ni Commission on Elections (Comelec) Spokesperson Atty. Rex Laudiangco na tali ang kanilang kamay sa ganitong mga usapin.

Sinabi ni Laudiangco na 2010 pa nang hiniling nila sa mga barangay officials na kapag magsumite ng Certificate of Candidacy (COC) ay magsama ng drug test result sa kanilang dokumento subalit ipinrotesta at natalo sa Korte Suprema.

Facebook Comments