Tiniyak ng pamunuan ng Metro Rail Transit Line-3 (MRT-3) na mas paiigtingin pa nila ang pagbabantay sa loob ng tren upang matiyak na hindi na maulit muli ang nangyaring insidente na nag-viral kung saan isang babae ang hindi nagsuot ng face mask at face shield sa loob ng tren.
Sa ginanap na virtual press conference, sinabi ni MRT-3 Director for Operation Michael Capati na tuloy-tuloy pa rin ang kanilang monitoring sa loob ng tren at pagpapatupad ng 7 Commandments para matiyak na ligtas ang lahat ng mga mananakay ng MRT.
Paliwanag ni Capati, pag-iibayuhin pa nila ang pagbabantay sa lahat ng mga pasahero ng MRT kung saan inatasan na nila ang kanilang transport marshall na higpitan pa ang monitoring sa loob ng tren.
Humingi rin ng tulong ang opisyal sa mga mananakay na nakilala o na-identify ang babaeng nag-viral upang agad na mabigyan ng disciplinary action at tinitiyak sa publiko na hindi na mauulit ang nasabing insidente.