Kinampihan ni Davao Oriental Second District Rep. Cheeno Almario ang sinabi ni Sen. Ronald dela Rosa na panahon nang alisin ang kapangyarihan ng mga local chief executive o mga alkalde na magtalaga ng chief of police sa kanilang lokalidad.
Giit ni Almario, paraan ito para maalis ang posibleng pamumulitika sa appointment sa Pambansang Pulisya.
Batay sa Section 51 ng RA 6975, pinahihintulutan ang mga gobernador at alkalde na pumili ng itatalagang hepe ng pulisya sa mga probinsya o lungsod batay sa listahan ng mga nominado mula sa Philippine National Police (PNP).
Pero diin ni Almario, mas makabubuting hayaan ang PNP na mag-appoint ng mga kanilang provincial directors at chief of police.
Ayon kay Almario, dapat nakabatay sa kwalipikasyon at merito ang pagtatalaga sa mga opisyal ng PNP sa buoang bansa upang mapanatili ang professionalism sa trabaho.