Mungkahing pagbibigay ng wage subsidy at 4 day work week, pag-aaralan pa ni Pangulong Duterte

Wala pang go signal mula kay Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng economic cluster na magpatupad ng 4 day work week at pagpapalawig sa work from home set up.

Ito kasi ang isa sa mga nakikitang solusyon ng National Economic and Development Authority (NEDA) upang hindi masyadong maramdaman ng mga manggagawa ang patuloy na pagtaas ng produktong petrolyo at epekto nito sa iba pang basic goods and services.

Ayon kay acting Presidential Spokesperson at Presidential Communications Operations Office (PCOO) Sec. Martin Andanar under evaluation at under consideration pa ito sa ngayon.


Wala pa ring desisyon ang pangulo sa rekomendasyon ng Department of Labor and Employment (DOLE) na magpatupad ng 3 month wage subsidy sa minimum wage earners.

Ani Andanar mainam na hintayin na lamang kung ano ang magiging resulta ng gagawing pag-aaral dito sa mga susunod na araw at kung magkakaroon pa ng panibagong anunsyo sa mga susunod na Talk to the People ng pangulo.

Facebook Comments