Kay presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson nagpasyang sumama ang isang maimpluwensyang lider ng Partido Reporma, na kumakatawan sa mga Muslim sa lalawigan ng Lanao del Sur, matapos maglipat-bakod ang ilang opisyal ng partido.
Sa personal na Facebook post ni Ahmad Sambitory Bubong, dating provincial coordinator ng partido sa nabanggit na lalawigan, klaro at diretsahan nitong sinabi na bumitaw na rin siya sa partido matapos ang ginawa nito kay Lacson.
“Dahil sa pulitika naganap ang ating pagsasama at naganap din ang hindi natin inaasahan, subalit dahil ang aking loyalty ay kay Senator Ping Lacson… Ako’y nagsasabi na ang aking membership sa inyo, bibitaw na ako, kahit kay former Speaker Pantaleon Alvarez ako naka-take ng oath via Zoom sometime [in] October 2021,” banggit ni Bubong sa kanyang post.
Pinasalamatan din ni Bubong ang pagtatanghal ng partido kay Lacson bilang standard-bearer na itinuturing niya bilang idol.
“‘I Thank You Anyway,’ dahil ako ay naging membro niyo; yon din ay dahil naging kandidato niyo (ang) aking pinaka-idol na (si) Sen Ping Lacson at Tito Sotto. Ngunit alam ng lahat marami na kayong miyembro…dahil din sa naging kandidato niyo aming idol,” ayon pa sa nabanggit na Muslim leader.
Sa huling bahagi ng post ni Bubong ay nilinaw nitong ibinabagsak na niya, kasama ng kanyang maybahay ang pagiging miyembro ng Partido Reporma. Aktibo sila ngayon sa BRAVE Movers, isang organisasyon na patuloy sumusuporta sa kampanya ni Lacson.
“Today March 24, 2022, I myself with my Wife Jasmine declare that (our) Partido Reporma membership is now [dropped] even (if) I am (the) designated new provincial coordinator sa Lanao del Sur,” banggit ng Muslim leader.
Bukod kay Bubong, una nang tiniyak ni dating Defense Chief Renato de Villa na siyang ama ng partido, na hindi niya binabago ang kanyang suporta sa kandidatura ni Lacson kahit pa ito ay ipinagpalit na ng partido.
Nananatili din at sasama kay Lacson hanggang sa dulo ng kampanya ang mga kasamang tumatakbo sa pagka-senador na sina Dra. Minguita Padilla, dating PNP Chief Guillermo Eleazar at ang dating Agriculture Secretary Manny Piñol.
Si Lacson ay iniwanan ng ilang opisyal ng partido dahil sa usapin ng pondong dapat na umano’y manggaling sa kanya para magamit ng mga lokal na kandidato na kaalyado ng mga naglipat-bakod.