Nagbabanggaang probisyon ng Maharlika Investment Fund, pinuna ng minorya sa Senado

Sinita ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang nagbabanggaang probisyon tungkol sa pagpapataw ng parusa sa mga lalabag sa Maharlika Investment Fund (MIF).

Giit ni Pimentel, resulta ito ng pagmamadali na mailusot ang sovereign wealth fund.

Mas malala aniya ito sa draft dahil inaprubahan ang panukala na hindi man lang nasusuri at naaaral ng husto.


Tinukoy ni Pimentel ang Sections 50 at 51 sa MIF Bill na salungat dahil sa Section 50 nakasaad na 10 taon ang prescriptive period o bilang ng taon na pwedeng habulin ang indibidwal na gagawa ng paglabag pero sa Section 51, ang prescriptive period naman ay nasa 20 taon.

Punto ng senador, ang pagkakaroon ng dalawang magkaibang prescriptive period para sa mga krimen at paglabag ang pinaka-kakaibang katangian ng panukala.

Matatandaang naunang sinabi ni Pimentel na hindi malabong makwestyon ang Maharlika fund sa Korte Suprema.

Facebook Comments