NIA, nasita ng Senado kaugnay sa nangyaring matinding pagbaha sa Bulacan

Sinita ni Blue Ribbon Committee Chairman Senator Francis Tolentino, ang umano’y kawalan ng abiso ng National Irrigation Administration (NIA) sa mga local government units (LGUs) hinggil sa pagpapalabas ng tubig sa dam dahilan kaya lubog ngayon sa baha ang maraming lugar sa Bulacan.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee patungkol sa mga iregularidad ng mga irrigation projects ng NIA, ipinaabot ni Tolentino ang hinaing ng lalawigan ng Bulacan dahil wala umanong koordinasyon ang NIA sa ginawang pagpapakawala ng tubig sa Bustos Dam na naging sanhi ng matinding pagbaha sa buong lalawigan matapos ang pananalasa ng Bagyong Egay.

Aniya pa, araw ng Sabado nang mabigla ang mga residente sa Bulacan sa biglang pagtaas ng tubig at nataong high tide rin ng araw na iyon.


Sinabi pa ni Tolentino, na hindi makakapunta sa pagdinig ngayon ng Senado si Bulacan Governor Daniel Fernando dahil abala sa kanyang lalawigan na ngayo’y nasa ilalim ng ‘state of calamity’.

Depensa rito ni NIA Chief Eduardo Eddie Guillen, mayroong protocol na advance information na ipinadala sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Bulacan tungkol sa spilling activity o pagpapakawala ng tubig sa dam.

Magkagayunman, sinabi ni Tolentino na itinatanggi naman ng PDRRMO na alam nila ang naturang abiso.

Dahil sa matinding pagbaha ay apektado rito ang 16 na bayan at tatlong siyudad sa buong lalawigan ng Bulacan.

Facebook Comments