Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo Teves Jr., inalis na bilang miyembro ng Mababang Kapulungan

Pinatalsik na bilang miyembro ng Mababang Kapulungan si Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr.

Ito ay matapos katigan ng 265 mga kongresista ang rekomendasyon na expulsion sa Kamara ng Committee on Ethics and Privileges na pinamumunuhan ni Coop Natco Party-list Representative Felimon Espares.

Sa Committee Report No. 717 na inendorso ni Espares sa Kamara ay binanggit na basehan ng expulsion kay Teves ang pagpapabaya nito sa trabaho at patuloy na absence without leave.


Binanggit din sa committee report ang paghirit nito ng political asylum sa Timor-Leste at ang mga asal nitong ipinakikita sa social media na hindi katanggap-tanggap at hindi angkop para sa isang mambabatas tulad ng pagsasayaw ng nakasuot lamang ng undergarments.

Wala namang komontra o nagbigay ng ‘no’ votes sa rekomendasyon laban kay Teves habang tatlo ang nag-abstain o tumangging bomoto na kinabibilangan nina Gabriela Rep. Arlene Brosas, ACT Teachers Party-list Representative France Castro at Kabataan Party-list Representative Raoul Manuel.

March 9, 2023 nang mapaso ang travel authority ni Teves pero hanggang ngayon ay hindi pa ito bumabalik sa bansa.

Bago ang parusang expulsion ay dalawang beses na ring sinuspinde ng Kamara si Teves ng tig-60 araw kaakibat ang pagtanggal dito bilang miyembro ng mga komite.

Facebook Comments