Mariing kinondena ng National Security Council (NSC) ang Chinese Embassy sa paulit-ulit umanong pagkakalat ng mga maling impormasyon, partikular na ang pagpapalabas ng sinasabing transcript o recording ng pag-uusap sa pagitan ng isang Chinese Diplomat at opisyal ng militar ng Pilipinas.
Sa inilabas na pahayag ng NSC, sinang-ayunan ni National Security Adviser Sec. Eduardo Año ang panawagan ni Defense Secretary Gilberto Teodoro sa agarang pag-aksyon mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) hinggil sa naturang insidente.
Aniya, ang ganitong mga aksyon ay naglalayong maghasik ng hidwaan at hindi pagkakaisa sa mga mamamayang Pilipino.
Binigyang-diin rin ni Sec. Año na ang mga umano’y gawaing ito ng Chinese Embassy ay nakikitang paglabag sa international relations norms at diplomacy.
Kaakibat nito ay nanawagan sa agarang aksyon ang ahensiya na panagutin at patalsikin na mula sa Chinese Embassy ang mga indibidwal na responsable bilang paglabag rin sa batas ng Pilipinas.