Mariing kinondena ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) ang huling insidente ng pangha-harass ng Chinese Coast Guard (CCG) at Chinese Maritime Militia sa resupply Mission patungo sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal kaninang umaga.
Sa ulat ng NTF-WPS, nangyari ang insidente kaninang 7:30 ng umaga nang gumamit ng water cannon ang Chinese Coast Guard vessel 5203 laban sa Philippine resupply vessel M/L Kalayaan sa bigong pagtatangka na ilihis ang direksyon nito.
Bukod dito nagsagawa rin ang mga peligrosong pag-maneobra ang Rigid Hull Inflatable Boats (RHIB) ng CCG sa loob ng lagoon ng Ayungin Shoal para pigilan ang M/L Kalayaan at Unaiza May 1 na makarating sa BRP Sierra Madre.
Sa kabila nito, matagumpay na naisagawa ng dalawang resupply boat ang kanilang misyon.
Ayon sa NTF-WPS, ang sistematiko at walang-tigil na iligal at peligrosong kilos ng People’s Republic of China (PRC) sa West Philippine Sea ay nagpapahiwatig na kaduda-duda ang kanilang sinseridad sa panawagang magkaroon ng mapayapang pag-uusap ukol sa isyu.