Inatasan na ni Manila City Mayor Isko Moreno ang pamunuan ng Gat Andres Bonifacio Medical Center (GABMMC) na imbestigahan ang nahuling nurse na iligal na nagbebenta ng COVID-19 vaccines.
Ayon kay Moreno, kinausap na niya si GABMMC Director Dr. Ted Martin na magsagawa ng administrative proceedings at maghain ng kaukulang kaso laban kay Alexis Francisco de Guzman.
Sa pahayag ng GABMMC, tiniyak nilang nakahanda ang kanilang hanay na makipagtulungan sa mga awtoridad.
Una nang nilinaw ng Manila City Local Government Unit (LGU) na hindi galing sa supply ng Manila Health Department ang ibinebenta mga bakuna ng grupo nila De Guzman.
Anila, highly controlled ng lungsod at Manila Health Department ang supply nila ng mga bakuna.
Bukod kay De Guzman, nahuli rin sa entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang medical technologist at isang Chinese national na nagbebenta ng Sinovac vaccine sa Quezon City.