Operasyon ng LRT-1 sa August 20, half day muna dahil sa isasagawang pag-upgrade ng signaling system

Naglabas ng abiso ang Light Rail Manila Corporation (LRMC) sa mga pasahero nito na pagplanuhan na ang kanilang pagbiyahe dahil suspendido ang operasyon nito sa linggo, August 20 mula alas-4:30 ng umaga hanggang alas-11:59 ng umaga.

Ito ay dahil sa patuloy na isinasagawang pag-upgrade ng signaling system ng LRT-1, pag-upgrade at paglalagay ng bagong software baseline sa kasalukuyang signaling system upang maging compatible sa software baseline ng LRT-1 Cavite Extension para na rin magsagawa ng testing at commissioning sa system.

Ayon kay LRMC Chief Operating Officer Rolando Paulino III, sa oras umano na makumpleto ito ay inaasahang hahantong ito sa buong cutover para sa extended signaling system mula sa kasalukuyang LRT-1 Roosevelt Station sa Quezon City hanggang sa Dr. Santos Station sa Paranaque City o sa end station sa LRT-1 Cavite Extension – Phase 1.


Layunin ng pag- upgrade na pagbutihin ang kapasidad at performance sa buong linya, gayundin ang paggana ng mas maraming tren na may mas mahusay na koneksyon at higit na reliability bilang paghahanda sa pagkumpleto ng Cavite Extension Phase 1.

Samantala, magsisimula ang unang biyahe mula sa Baclaran at Roosevelt Station sa ganap na alas-12 ng tanghali at ang schedule ng huling tren ay aalis sa Baclaran Station ng 9:30 ng gabi habang 9:45 ng gabi naman ang alis ng huling tren sa Roosevelt Station.

Humihingi naman ng pang-unawa ang LRMC sa mga pasahero dahil sa abalang maidudulot ng nasabing aktibidad.

Facebook Comments