Oposisyon sa Senado, umapela sa PNP na mas maging transparent pa sa kaso ng pinaslang na radio broadcaster na si Percy Lapid

Umapela si Senate Minority Leader Koko Pimentel sa Philippine National Police (PNP) na maging transparent sa proseso at sa takbo ng kaso ng pinaslang na radio broadcaster na si Percy Lapid.

Kasunod na rin ito ng pahayag kahapon ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla sa biglaang pagkamatay ng bilanggo sa New Bilibid Prison na sinasabing ‘middleman’ na makapagtuturo sana sa ‘mastermind’ sa pagpatay kay Lapid.

Sinabi ni Pimentel na maging siya ay nalilito na sa mga pinagsasabi ng PNP at Department of Justice (DOJ) kaugnay sa mga suspek na posibleng sangkot sa murder case ng mamamahayag.


Aniya pa, sa kanya ring pagkakaalala ay unang sinabi ng sumukong hitman sa kaso na ang “middlemen” sa pagpaslang kay Lapid ay sa Bureau of Corrections (BuCor) at hindi sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na bagong sinasabi ngayon.

Hiling ng opposition senator partikular kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na ihayag sa publiko sa pamamagitan ng media kung ano talaga ang mga tunay na pangyayari sa kaso ng pinaslang na mamamahayag.

Facebook Comments