Umaasa si Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte na sa ilalim ng pamumuno sa Department of Health (DOH) ni Secretary Teodoro Herbosa ay mababayaran na ang P12.57 billion na utang sa allowance ng medical frontliners noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Villafuerte, hanggang ngayon ay hindi pa natatanggap ng healthcare workers ang nasabing allowance sa kabila ng pahayag ng Department of Budget and Management na nai-release na ang nabanggit na pondo sa mga nakalipas na buwan.
Tiwala si Villafuerte na agad itong aasikasuhin ni Secetary Herbosa na matagal ng parte ng healthcare sector at naging Special Adviser pa ng National Task Force against COVID-19.
Giit ni Villafuerte, dapat masuklian ang hindi matatawarang serbisyo na ibinigay ng ating healthcare workers kaya hindi makatwiran na hanggang ngayon ay hindi pa rin nila natatanggap ang allowance na para sa kanila.
Pinaalala ni Villafuerte na ang nabanggit na allowance para sa ating healthcare workers ay nakapaloob sa “Bayanihan to Heal as One Act” at “Bayanihan to Recover as One Act.”