Tinatayang nasa P18 billion na quick response fund ang kakailanganin ng Department of Education (DepEd) para sa target nitong pagpapatayo ng “temporary learning spaces” sa mga lugar na naapektuhan ng kalamidad.
Ayon kay DepEd Spokesperson Michael Poa, pansamantalang magtatayo ng learning spaces ang DepEd sa mga lugar na nasalanta ng Bagyong Agaton at Odette gayundin ang mga naapektuhan ng magnitude 7 na lindol sa Northern Luzon.
Mayroon naman aniyang pondo ang kagawaran para sa quick response pero hindi ito sapat dahil P2 billion lamang ang kanilang natatanggap na pondo para dito kada taon.
Sinabi naman ni Poa na humiling na sila ng karagdagang P16 billion na quick response fund kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa pamamagitan ng Department of Budget and Management (DBM).
Sa pinakahuling ulat ng DepEd Disaster Risk Reduction and Management Service, nabatid na umabot na sa 495 na paaralan ang naapektuhan matapos yumanig ang magnitude 7.0 na lindol sa Northern Luzon noong nakaraang linggo.