P4.5 billion confidential at intelligence funds ng tanggapan ng pangulo, inusisa ng husto sa budget deliberation sa plenaryo ng Senado

Umaasa ang Minorya sa Senado na magkukusa ang tanggapan ng pangulo na bawasan ang kanilang confidential at intelligence funds (CIF).

Sa budget deliberation sa plenaryo, kinwestyon ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang confidential at intel funds ng Office of the President (OP) dahil may mga existing na ahensya at units na makapagbibigay ng pangangailangan sa intelligence ng pangulo.

Sa P8.9 billion na pondo ng OP sa 2023, P4.5 billion dito ay pondo para sa CIF ng pangulo.


Paliwanag naman ni Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara, kailangan ng presidente na magkaroon ng access sa intelligence dahil siya ang Commander-in-Chief ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at siya rin ang Chairman ng National Security Council (NSC).

Responsibilidad din umano ng pangulo na malaman ang mga nangyayari sa bansa at ang tanggapan nito ay kumukuha rin ng sariling mga impormasyon dahil hindi rin basta nagbabahagi ng kanilang mga impormasyon ang ibang intelligence agencies at units.

Katwiran pa ni Angara, mula 2010 ay mayroon ng CIF ang OP at ngayon lang ang unang pagkakataon na may kumwestyon dito.

Nagpahayag naman ng pagkabahala si Pimentel dahil mistulang dumo-doble lang ang layer ng trabaho na may parehong functions.

Maghahain naman ng amendments ang oposisyon para obligahin ang OP na magsumite sa Kongreso ng periodic accomplishment report upang maging transparent sa pinaggagastusan ng CIF.

Facebook Comments