Magpapadala ng relief goods ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga kababayan nating naapektuhan ng pagbaha sa Negros Occidental.
Ang nasa 20,000 family food packs ay ililipad gamit ang mga eroplano ng Philippine Air Force (PAF).
Ayon sa PAF mula ang mga family food packs sa Visayas Disaster Resource Center sa Cebu City at dadalhin sa Bacolod-Silay International Airport gamit ang kanilang choppers mula sa Mactan Air Base.
Gagamitin ang mga eroplano ng Airforce upang mas mapabilis ang pagdadala nito sa ating mga kababayan.
Nabatid na aabot ng hanggang 3 araw bago tuluyang makumpleto ang pagdadala ng 20,000 family food packs.
Sa oras naman na ito ay makumpleto, agad dadalhin ang mga ayuda sa DSWD regional warehouse sa Bacolod City para sa agarang distribusyon.
Ipamamahagi ang mga ito sa Bago, La Carlota, Pontevedra, Pulupandan, San Enrique at Valladolid na lubog parin sa baha.